Alas-10:30 ngayong umaga, nakatakda ang pagdinig ng Senado sa panukalang naglalayong tulungan ang mga bangko at financial institution na lubhang naapektuhan ng mabagal na ekonomiya sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Pangungunahan ang pagdinig ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies na pinamumunan ni Senator Grace Poe.
Tatalakayin sa pagdinig ang mga panukalang tutugon sa biglaang pagdami ng non-performing assets at paghanap din ng solusyon para sa naghihirap na mga negosyo.
Ayon kay Poe, mahalagang mapanatiling nakaangat ang mga financial institution upang magampanan ang kanilang kritikal na papel sa pagtugon ng bansa sa krisis.
Halimbawa aniya nito ang pamamahagi ng cash aid sa mga pamilyang nangangailangan at pagpapautang sa negosyo upang tulungan silang bumangon.