Maglalabas ng guidelines ang Department of Health (DOH) hinggil sa paggamit ng self-administered o home test kits para sa COVID-19 sa Pilipinas.
Sa press conference sa Malakanyang sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, na anumang klase ng diagnostic commodity tulad ng mga at-home antigen test kits ay kailangang mabigyan ng clearance o regulatory clearance ng Food and Drug Administration (FDA) upang matiyak na ito ay dekalidad at ligtas.
Ayon kay Vergeire, kailangang masunod ang mga pamantayan kung paano gamitin ang at-home antigen test kits upang makakuha din ng accurate test result.
importante rin aniya na i-report sa mga kinauukulan anuman ang kinalabasan ng at-home antigen test kits upang maisama at makumpleto ang ating datos.
Sa pamamagitan din aniya ng ilalabas nilang guidelines ay mare-regulate pa rin ang paggamit ng mga self-administered o home test kits.
Nabatid na sa Estados Unidos at Singapore ay inaprubahan na ang paggamit ng self-administered antigen test kits.