Panununtok sa 2nd Nominee ng LPGMA Party list, Pinabulaanan!

Pinabulaanan ni Abdulwali Villanueva na tumatakbong alkalde sa bayan ng Maconacon ang umano’y panununtok kay 2nd nominee ng LPGMA Party list na si Atty. Allan Ty sa isinagawang political rally ng PDP Laban noong Abril 11, 2019 sa Brgy Fely, Maconacon, Isabela.

Batay sa kwento ni Villanueva sa ginawang panayam ng 98.5 RMN Cauayan sa kanya, wala anya itong intensyon na magtungo sa lugar upang manggulo kundi nais lamang anya nito na makinig sa mga plataporma ng oposisyon kaugnay sa mga plano na ikagaganda ng mamamayan at ng ating Lalawigan.

Inamin naman nito na kinukuhanan ng video ang isinasagawang kampanya ng PDP Laban.


Nang paalis na umano si Villanueva sa lugar ay nilapitan at kinompronta siya ng mga political leaders at supporters sa Maconacon.

Habang nagpapaliwanag anya ito ay bigla na lamang siyang sinuntok ni Atty. Allan Ty na nagresulta sa kanilang girian.

Tumama umano si Atty. Ty sa basketball court kaya’t nagkaroon ito ng sugat sa bahagi ng kanyang ilong.

Dito na anya dumating ang mga pulis na umawat sa kanilang gitgitan.

Kaugnay nito, humihingi naman ng paumanhin si Villanueva kaugnay sa nangyaring gulo sa kasagsagan ng political rally ng PDP Laban.

Samantala, nakalaya na si Villanueva matapos makapag-piyansa sa kasong Serious Physical Injury.

Facebook Comments