Manila, Philippines – Hindi official statement ng Philippine National Police (PNP) ang lumabas na ulat na si Police Deputy Director General Ramon Apolinario ang uupo bilang susunod na PNP Chief.
Ito ay dahil sa inaasahang pagreretiro sa serbisyo si PNP Chief Ronald Dela Rosa sa buwan ng Enero sa susunod na taon.
Si Apolinario ay number 2 man ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Supt. Dionardo Carlos, biro lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-introduce kay Deputy Director General Apolinario bilang susunod na PNP chief sa isinagawang command conference kahapon sa Malacañang at hindi dapat na seryosohin.
Sa ngayon, mas maigi aniyang hintayin na lamang ang official announcement ng Malacañang para rito.
Lumabas ang ulat na ito matapos kumpirmahin ng isang Supt. Ercy Nanette Tomas ang legal officer ng PNP Center for Police Strategic Management sa ginanap na 3rd PNP National Advisory Council Summit.
Sinabi pa ni Carlos na sa ngayon ang pinanghahawakan lamang nila ay ang una nang mga pahayag ng Pangulo na nais niyang maging PNP Chief ay sina Deputy Director General Ramon Apolinario, Directorate for Personnel Record and Management (DPRM) Chief Police Director Rene Aspera.
Sa ngayon, habang nasa ibang bansa si PNP Chief Dela Rosa para sa official business ay tumatayong Officer-In-Charge si Deputy Director General Ramon Apolinario.