VIRAL: Traffic enforcer at nahuling motorista, nag-jack-en-poy

Screenshot from Lyka Fajardo Saavedra video on Facebook

General Santos City – Sa pamamagitan ng larong jack-en-poy idinaan ng isang traffic enforcer ang magiging desisyon niya kung titiketan ang nahuling motorista sa General Santos City.

Hinarang ng opisyal ang lalaki dahil nakasuot ito ng tsinelas habang nagmo-motor sa national highway ng Barangay Labangal.

Ayon sa enforcer, binigyan niya ng kondisyon ang rider na kapag natalo ito sa jack-en-poy, kailangan niyang i-surrender ang lisensya at motorsiklo.


Ang hamon nito, umabot hanggang limang round. Sa huli, natalo ang motorista.

Sabi pa ng traffic enforcer, ito ang paraang naisip niya para hindi na sila magkasagutan pa.

Pero paglilinaw niya, bibigyan niya pa rin ng tiket ang sinuman lalabag sa batas trapiko – manalo man o matalo.

Paalala ng Land Transportation Office (LTO), hindi puwedeng naka-paa o naka-tsinelas habang nagmamaneho.

Pagmumultahin mula P500 hanggang P1000 at maaring tanggalan ng lisensiya ang sinuman maaktuhang gumagawa nito.

Samantala, nakuha na ng sinitang rider ang motor niya matapos makipag-usap at maipakita ang mga importanteng papeles. Nangako din siyang hindi na uulitin ang kasalanang ginawa.

Facebook Comments