Paramedic, pinatay umano ang asawa gamit ang eye drops

Stock photo

NORTH CAROLINA, United States — Inakusahan ang isang paramedic na gumamit umano ng eye drops upang lasunin ang babaeng walong taon niya nang asawa.

Inaresto si Joshua Lee Hunsucker, 35, noong Disyembre 19 sa salang pagpatay sa 32-anyos misis na si Stacy, ayon sa lokal na pahayagang The Shelby.

Ayon sa ulat, tumanggi si Hunsucker na isailalim sa autopsy ang katawan ng asawang namatay noong Setyembre 23, 2018.


Ngunit dahil hiling ni Stacy na maging organ donor, kinailangang panatilihin ang blood samples nito.

Lumabas sa pagsusuri ng dugo ng biktima na mayroon itong mataas na antas ng tetrahydrozoline, sangkap na karaniwang makikita sa eye drops na nabibili nang over-the-counter.

Maituturing umano itong probable cause na nilason ni Hunsucker ang asawa gamit Visine, isang klase ng eye drops, ayon kay Jordan Green, abogado mula sa North Carolina Department of Insurance Green.

Sinimulang isailalim sa imbestigasyon ang akusado noong Agosto matapos siyang paratangan ng ina ng biktima ng insurance fraud kasunod ng pagkamatay ni Stacy.

Ayon sa ulat, nakatanggap si Hunsucker ng $250,000 (higit P12 milyon) mula sa dalawang life insurance ng misis.

Bukod dito, sinabi ng mga katrabaho ng suspek sa ospital na tila hindi apektado si Hunsucker sa pagkamatay ng asawa at nakahanap na agad ng bagong nobya nang wala pang anim na buwang nakalipas.

Iba-iba rin ang umano ang salaysay ng akusado sa kung paano niya nadiskubre ang bangkay ni Stacy.

Tinanggal na sa Atrium Health’s MedCenter si Hunsucker kung saan siya nagtatrabahong paramedic simula 2013.

Kasalukuyan siyang nakapiit sa Gaston County Jail.

Facebook Comments