
Binanatan ng Malacañang si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque dahil sa social media post nito na tila naka-colostomy bag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, walang katotohanan ang paratang ni Roque na may colostomy bag ang Pangulo, at tinawag niya itong chismis na layong siraan ang Pangulo at ang administrasyon.
Giit ni Castro, sa halip na magpakalat ng imbentong isyu, mas dapat harapin ni Roque ang mga kasong tinakasan nito sa bansa.
Dagdag pa ni Castro, wala nang ibang inaatupag si Roque kundi ang magbantay at manghimasok sa kalusugan ng Pangulo.
Kung pinanood lamang aniya ni Roque ang mismong aktibidad na dinaluhan ng Presidente, malinaw na makikitang walang anumang nakakabit sa tiyan nito.










