Manila, Philippines – Nailigtas na ang pari na binihag ng Maute group sa Marawi City.
Sa kanyang Facebook account, sinabi ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza na si Father Teresito Chito Suganob ay nailigtas kasama ang isa pang bihag.
Sila aniya ay nakuha ng tropa ng pamahalaan, malapit sa Bato Mosque bandang alas-onse noong Sabado ng gabi.
Ang Bato Mosque ay ang ikalawang Grand Mosque sa Marawi na nabawi ng Militar mula sa kamay ng mga terorista.
Bukod sa Bato Mosque ay nabawi na rin ng militar ang Jamaitul Islamiyah Marawi Foundation, na kasama rin sa pinagtataguan ng Maute group.
Matatandaang si Father Suganob ay dinukot ng Maute group noong May 23.
Kaugnay nito, tumanggi naman ang Armed Forces of the Philippines na kumpirmahin ang pagkakaligtas kay Father Suganob at sa isa pa nitong kasama.
Sabi ni col. Edgard Arevalo, Public Affairs Office Chief ng AFP – nagpapatuloy pa kasi ang rescue operations sa main battle area.
Hindi na rin nagbigay ng karagdagang impormasyon si Arevalo dahil baka malagay sa alanganin ang mga sundalo gayundin ang iba pang bihag na hawak pa rin ng teroristang grupo.