Partido Reporma standard-bearer Panfilo Lacson, naglabas ng pahayag kaugnay sa usapin ni Lolo Narding

Nagtungo si Partido Reporma Chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson nitong Huwebes sa Asingan, Pangasinan upang personal na siyasatin ang tunay na dahilan ng pag-aresto sa 80-anyos na si Lolo Narding Flores.

Ayon kay Lacson, nais niyang siya mismo ang makaalam ng katotohanan upang mabatid ang tulong na ibibigay sa dalawang naging biktima sa viral na kaso.

Dito, nadiskubre ni Lacson na si Lolo Narding, na dating caretaker ng nasabing lote ay nagnakaw ng tatlong sakong Mangga na nagkakahalaga ng P12,000 at hindi lang sampung kilo na una nang napabalita.


Ibinenta aniya ito ni Lolo Narding sa talipapa at nagastos na ang pinagbentahang salapi.

Sa hindi batid na dahilan ay tinanggal si Lolo Narding bilang caretaker ng lote.

Si Robert Hong naman na naghain ng reklamo laban kay Flores ay nagtatago ngayon sa publiko at hindi nakakapaghanapbuhay bilang truck driver dahil sa mga banta na natanggap mula sa mga blogger at netizen, isang kaso ng pambu-bully na nag-ugat mula sa pagkalat ng kulang-kulang na impormasyon.

Nananawagan din ngayon ng hustiya ang pamilya ni Robert na nangangamba na rin sa kanilang seguridad.

Bagamat hindi nakababa ng sasakyan si Lacson sa pagpunta sa police station dahil sa dami ng media na nagko-cover ng isyu, inutusan naman ng mambabatas ang dalawang staff na kasama nito upang hanapin at kausapin si Robert, si Lolo Narding, maging kanilang mga kapitbahay, ang mga opisyal ng barangay at mga pulis.

Matapos ito, nagkasundo sina Robert at Lolo Narding na magkaayos kasunod ng nakatakdang arraignment sa korte sa February 8.

Kasabay nito, hiniling ni Robert ang tulong ni Lacson para maipabatid ang katotohanan sa publiko kasunod ng pag-giit na ginawa lang niya ang sa tingin niya ay tama at hindi nararapat na siya ay tratuhin ng hindi tama mula sa pagkalat ng mga kulang-kulang na impormasyon.

kasunod nito, nagpalabas na rin ng paumanhin ang Asingan PIO at inalis na ang pinost na istorya.

Sa pamamagitan ng katarungan at hustisya ay umaasa at ipinagdarasal ni Lacson na maayos na matatapos ang usapin nina Lolo Narding at Robert.

Facebook Comments