Party-list Coalition at Representative France Castro, nagpasalamat at nagpahayag ng suporta sa Liderato ng Kamara

Ikinalugod ng Partylist Coalition Foundation Inc., (PCFI) ang pagtatanggol ng liderato ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa House of Representatives.

Pinuri din ng PCFI ang paninindigan ni Romualdez sa ginawang pagtanggal ng Kamara sa confidential funds ng iba’t ibang civilian agencies para ilipat sa mga ahensya na direktang nagbabantay sa West Philippine Sea at nangangalaga sa seguridad ng buong bansa.

Ang pasasalamat ng PCFI ay sa gitna ng banat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Mababang Kapulungan at ilang kongresista makaraang matanggalan din ng confidential funds ang tanggapan ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte gayundin pinamumunuan nitong Department of Education (DepEd).


Lubos din ang pasasalamat ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa pagtatanggol sa kanya ni Romualdez at iba pang lider ng Kamara laban sa pagbabanta sa kanyang buhay ni former president Duterte.

Kaugnay nito ay umaasa si Rep. Castro na ang bawat isa ay magtutulungan sa pagsusulong na maging malaya ang mga mambabatas at mga aktibista sa pagtupad ng kanilang tungkulin at adbokasiya nang hindi tinatakot o pinagbabantaan.

Facebook Comments