*Maconacon, Isabela- *Sugatan ang 2nd nominee ng LPGMA Party list na si Atty. Allan Ty, 45 anyos, walang asawa, residente ng brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela sa isinagawang political rally ng PDP Laban kahapon partikular sa gymnasium ng Brgy Fely, Maconacon, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Provincial Director Police Colonel Mariano Rodriguez, habang nangangampanya ang PDP Laban sa naturang lugar ay dumalo ang hindi inanyayahang suspek na si Abdulwali Villanueva, 45 anyos, may-asawa at tumatakbong Mayor sa bayan ng Maconacon.
Ayon kay P/Col Rodriguez, kumukuha umano ng mga larawan at videos ang opposition mayolralty candidate kaugnay sa isinasagawang political rally.
Tinanong ng mga political leaders at supporters sa Maconacon kung ano ang pakay at bakit naroon si Villanueva hanggang sa nagkaroon na ng komosyon.
Dito na nagkasakitan sina Ty at Villanueva kung saan nagtamo ng sugat sa bibig at ilong ang nasabing abogado.
Agad namang rumesponde ang mga nakatalagang pulis na malapit sa lugar na nagresulta sa pagkakahuli ni Villanueva.
Patuloy pa ang iimbestigasyon ng PNP Maconacon hinggil sa nangyaring insidente at nakatakdang isailalim ngayon sa inquest proceedings ang suspek na tumatakbong alkalde.