Umapela si Committee on Dangerous Drugs chairman at Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers sa Senado at House of Representatives na ikonsidera ang mga panukala para sa muling pagpapatupad ng parusang kamatayan sa Pilipinas.
Mungkahi ito ni Barbers kasunod ng ng ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mayroong dalawang Pilipinong binitay sa China dahil sa pagiging drug courier.
Ipinunto ni Barbers na ang mga kababayan ay nabibitay sa ibang bansa dahil sa kasong may kaugnayan sa drug trafficking pero sa ating bansa ay VIP treatment naman ang tinatamasa ng mga dayuhang sangkot sa ilegal na droga lalo na sa mga Chinese nationals.
Nagtataka rin si Barbers sa pagiging seryoso ng China sa pagpapatupad ng death penalty sa kanilang teritoryo habang sa Pilipinas ay bumabaha ng tone-toneladang shabu mula sa kanilang bansa na ipinupuslit sa ating pantalan.
Dismayado si Barbers na tila sarado ang ating mga mata at tinatanggap natin ang lahat mula sa China tulad ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at kidnapping syndicates, sleeper cells, illegal drugs at kung anu-ano pang kalokohan at iligal nilang gawain.