Manila, Philippines – Hindi basta-basta makakansela ang pasaporte ng isa sa mga tinuturong salarin sa pagpatay sa UST freshman student na si Horacio “Atio” Castillo III.
Nabatid na umalis ng bansa ang isa sa mga suspek na si Ralph Trangia noong September 19, sakay ng Eva Air patungong Taipei.
Ayon kay Foreign Affairs Asec. Rob Bolivar, kinakailangan kasing may warrant of arrest ang isang indibidwal na siya namang pagbabasehan ng pagkansela ng pasaporte nito.
Saka-sakali mang kanselahin na ng DFA ang pasaporte, maglalabas ito ng instructions sa ating mga embahada at konsulada sa buong mundo para kumpiskahin ang pasaporte ng sangkot na indibidwal at agad itong bibigyan ng travel document para mapabalik sa Pilipinas.
Pero sa sitwasyon ni Trangia, wala pang isinasampang kaso ang pamilya Castillo kung kaya’t wala pa itong mandamyento de aresto.
Kahapon nang isailalim sa look out bulletin ng Bureau of Immigration ang 16 na indibidwal na itinuturong sangkot sa brutal na pagpatay kay Atio Castillo na pawang mga opisyal at miyembro ng Aegis Juris Fraternity kabilang na si Ralph Trangia.