Pasay City Gov’t, nilinaw na hindi taga-Pasay ang dalawang hinihinalang nCoV na pasyente

Nilinaw ni Pasay City Mayor Emi Rubiano na hindi residente ng Pasay ang dalawang lalaking Chinese nationals na bagong “suspected n-CoV patients” na naunang napaulat na residente ng lungsod.

 

Aniya, mismong si Pasay City Health Office – City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) Surveillance Officer Miko Llorca, ang nagkumpirma na ang 44-anyos na lalaking dinala sa isang ospital sa Pasay nitong weekend ay turista at hindi residente ng Metro Manila.

 

Ang naturang lalaki aniya ay papasok sana sa Century Park Hotel sa Vito Cruz avenue nang ma-detect sa thermal scanner ng hotel na mayroon siyang indikasyon ng sakit na kabilang sa mga criteria para ideklara ang isang tao bilang “person under investigation (PUI)”.


 

Agad naman aniyang Ini-refer agad ang naturang lalaki sa San Lazaro Hospital (SLH) sa Maynila.

 

Ang 27-anyos naman na sinasabing na-confine sa Metropolitan Hospital sa Maynila at nagsabi na residente siya ng Pasay ay natuklasan na sa ibang lungsod sa Southern Metro Manila city nakatira.

 

Ayon naman kay Pasay City Health Officer Dr. Cesar Encinares, nagsagawa na sila ng “Collaborative Meeting on n-CoV” kasama ang Pasay City Disaster Risk Reduction and Management Office (PCDRRMO), Department of Health (DOH), Pasay City General Hospital, Philippine Air Force General Hospital, San Juan de Dios Hospital at Adventist Medical Center Manila.

 

Layon ng naturang pulong aniya na pagsama-samahin at talakayin ang mga updates tungkol sa n-CoV at upang tiyaking gumagana ang mga operational protocols para sa mga sakit at health concerns tulad ng n-CoV.

Facebook Comments