Babae, arestado matapos dumumi sa parking lot nang 8 beses

Dinakip ang isang babae sa Massachusetts, US, matapos umanong gawing pangalawa niyang banyo ang isang parking lot na dinumihan niya nang walong beses sa loob ng isang buwan.

Naaktuhan umano ng pulisya ang tinaguriang “Parking Lot Pooper” na si Andrea Grocer, 51, na nagbabawas malapit sa Natick Outdoor Store noong Miyerkules, ayon sa Metro West Daily News.

Ayon sa awtoridad, inakala nilang hayop ang suspek, hanggang sa mapansin nila ang mga naiwang tissue at wipes noong Disyembre kung kailan nangyari ang unang insidente.


Makaraang bantayan ang lugar, nahuli ng isang pulis si Grocer na naglalabas ng dumi mula sa pintuan ng kanyang sasakyan, bandang alas-7 ng umaga.

Nang komprontahin, nagdahilan umano ang babae na nakararanas siya ng irritable bowel syndrome at papunta siya sa trabaho bilang katulong.

Pero ayon sa mga saksi, nakuha niya pang maghintay ng 10 minuto para makaalis ang malapit na tren at mga tao bago gawin ang gawain.

Sinabi ng pulisya na maraming malapit na palikuran sa lugar at kinumpirma rin nila sa amo ni Grocer na puwede siyang magbawas sa bahay.

Sinampahan si Grocer ng walang habas na paninira ng ari-arian at nakatakdang humarap sa korte sa Marso.

Facebook Comments