Umarangkada na ang pagbibigay ng trabaho kung saan 300 sa mga nagsipagtapos na mga estudyante sa Pasig City ang natanggap sa Government Internship Program o GIP at magtatrabaho sa City Hall sa loob ng tatlong buwan.
Ayon kay City Councilor Rhichie Brown, Chairman ng Committee on Labor and Employment simula noong January 24 hanggang 31 ngayong taon ay nagsimula ang pagtanggap ng mga aplikante sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO) at kaagad na dumagsa ang mga nagnanais makaranas ng trabaho sa gobyerno.
Paliwanag ni Brown, seryoso sila sa programang ito at iniiwasan na nila ang nakasanayang “taga-timpla ng kape” ang mga Government Intership Program dahil ganito ang naging practice sa City Hall sa mahabang panahon.
Dagdag pa ng Konsehal na ang concern lang umano nila ngayon, ay huwag munang magdeploy sa mga ospital dahil sa Coronavirus at hindi pa sila talaga employee kaya limitado lang ang tulong para sa kanila kumpara sa tunay na empleyado na trained sa ganung exposure.
Tinatarget ng lokal na pamahalaan ang 1,200 GIPs sa buong taon at 4,500 naman para sa Tulong Panghanapbuhay sa Disadvantaged/ Displaced Workers at sa Special Program for the Employment of Students.
Nakalulungkot aniya dahil may iba na tumitigil na sa kanilang pag-aaral pagkatapos ng GIP lalo na’t naranasan na ng mga ito na sumuweldo o nakahawak na ng perang pinagpaguran nila.