Nilinaw ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi pa magbabalik-operasyon ang Pasig River Ferry Service (PRFS) sa kabila ng pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila.
Ito’y matapos tanggapin ng MMDA ang isang 55-seater ferry boat donation para sa PRFS mula sa Philippine Ecological Systems Corporation noong Biyernes.
Ayon kay Mike Salalima, Concurrent Chief of Staff, Office of the General Manager ng MMDA, inaayos pa nila ang mga health protocol at guidelines na ipatutupad sa mga ferry station at mga ferry boat.
Kapag ito aniya nagawa, papaaprubahan pa ito sa Inter-Agency Task Force (IATF).
Pero tiniyak naman niya na ang kanilang mga panuntunan ay ayon naman sa mga health guideline at protocols ng IATF.
Sa kasalukuyan, ang MMDA ay meron ng limang ferry boats na may 55 seats at dalawang ferry boats na may 150 seats.