Passing rate sa licensure examination ng mga guro, patuloy na bumababa

Sa budget hearing ng Senado ay pinuna ni Committee in Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang mababang bilang ng mga guro na pumapasa sa Licensure Examination for Teachers o LET.

Base sa report ng Philippine Normal University, noong 2019 ay average na 27 hanggang mahigit 32 percent lang ng mga elementary teachers ang pumasa sa isinagawang mga licensure exams, habang nasa 25 hanggang mahigit 39 percent naman sa mga nag-exam na secondary teachers ang pumasa.

Sa tingin ni Dr. Rosita Navarro, Chairman of the Professional Regulation Commission Board for Professional Teachers, maaaring bunga ito ng open enrollment o kawalan ng required na passing grade para sa mga nais mag-aral ng edukasyon hindi katulad sa mga kursong medisina at engineering.


Binanggit din ni Navarro ang kawalan ng selective retention o pagtatakda ng grade na kailangang makamit para manatili sa education course.

Kinontra naman ito ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero de Vera, walang pag-aaral na nagsasabing may kaugnayan ang open enrollment sa mababang passing rate ng mga guro sa licensure exam.

Hindi rin tama para kay De Vera na idahilan ang kawalang selective retention dahil bawat kolehiyo at unibersidad ay may kanya-kanyang patakaran para sa bawat kurso.

Giit ni De Vera na maling isipin na mahihina o hindi pinakamagagaling ang mga estudyanteng kumukuha ng kursong edukasyon.

Facebook Comments