Mariing itinanggi ni Pastor Apollo Quiboloy ang mga paratang ng pang-aabuso sa ilang mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, direktang pinabulaanan ni Quiboloy ang mga kaso ng sexual abuse sa mga kababaihan ng KOJC gayundin ang pagpapalimos sa mga miyembro, torture o pananakit, at dry-fasting o hindi pagpapakain at pagpapainom ng tubig ng ilang araw kapag may nilabag o sinuway ang isang miyembro.
Tahasan ding itinanggi ni Quiboloy ang hayagang akusasyon ng pang-aabuso laban sa kanya ng dating pastoral na si Yulya Tartova at ang muntikan nang maging pastoral na si alyas “Marie”.
Sinabi ni Quiboloy na wala sa polisiya ng kingdom ang magpalimos, magparusa ng torture, at dry-fasting sa mga kabataan at matatanda ng KOJC.
Iginiit naman ni Quiboloy ang kanyang karapatang manahimik sa ilang mga isyu tulad ng sapilitang pagpapakasal sa mga miyembro para manatili sa ibang bansa, ang pagkakaroon ng private army na 2nd Metro Davao Signal Battalion tungkol sa kaugnayan nito sa Task Force Davao at sa Davao Death Squad, maging kung papaano siya napasailalim sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP).
Sinagot din ni Quiboloy na imbento lamang ng iba ang tungkol sa “Angels of Death” at kasinungalingan lamang din ang pagkakaroon niya ng isang hukbo ng private army sabay hamon sa mga nag-aakusa na sampahan na lamang siya ng kaso sa korte.
Hindi naman pumalag si Senator Risa Hontiveros sa pagtanggi ni Quiboloy na sagutin ang mga alegasyon dahil iginagalang naman ng Senado ang constitutional right ng religious leader.