Pastora at Kasama sa Negosyo, Patay sa Pamamaril ng Riding-in-Tandem

Cauayan City, Isabela-Patay ang isang pastora at kasama nito sa negosyo matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem kahapon July 16, 2021 sa National Highway ng Brgy. Santa, Tumauini, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng Tumauini Police Station, kinilala ang mga biktima na sina Winnie Ingaran, pastora, residente ng Brgy. Anao, Cabagan habang ang kasama nito ay kinilalang si Marissa Antonio, residente ng Casibarag Sur, Cabagan.

Dakong alas-4:00 ng hapon ng makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril ang kapulisan na nasa checkpoint kaya’t agad silang nagtungo sa lugar kung saan nagmula ang putok ng baril.


Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, nanggaling ang dalawa sa Tumauini para magbenta ng foliar fertilizer gamit ang single motorcycle at papauwi na ng maganap ang pamamaril.

Ilang saglit pa ng bigla na lamang paputukan ng kalibre 45 na baril ang mga biktima ng hindi pa matukoy na mga salarin.

Ayon pa sa mga awtoridad, tatlo ang suspek sa insidente ng pamamaril batay sa mga salaysay ng saksi na kaagad rin na tumakas sa direksyon ng Unio, Cabagan.

Sa kasalukuyan ay hinihintay pa ang resulta ng pagsusuri ng SOCO upang malaman ang bilang ng tinamong bala ng baril ng mga biktima subalit sa inisyal na imbestigasyon ay karamihan sa katawan ang tama ng bala.

Agad na pinakilos ang mga kapulisan para magsagawa ng hot pursuit operation habang sinisikap ng mga awtoridad na makakuha ng kopya ng CCTV footage na makapagtuturo sa pagkakakilanlan ng mga salarin.

Sa kabila nito ay may person of interest at anggulong sinusundan ang mga awtoridad sa ikalulutas ng kaso.

Facebook Comments