Nagdesisyon ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng mga rekomendasyon laban sa Olympian at star pole vaulter na si EJ Obiena.
Sa ipinadalang liham ni PATAFA Chairman at House Deputy Speaker Rufus Rodriguez kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez, sinabi nitong hindi muna nila itutuloy ang rekomendasyong “expulsion” o paglaglag ng PATAFA kay Obiena sa National Training Pool.
Nakasaad sa liham na tatagal ang deferment sa loob ng dalawang linggo.
Hinihimok naman aniya ng PATAFA ang lahat ng mga partido na makiisa sa “mediation” at ipaliwanag ang isyu ng liquidation.
Kasama rin sa ipagpapaliban ang pagsasampa ng PATAFA ng reklamong estafa sa atleta dahil sa umano’y “misused funds” at hindi pagbabayad sa tamang panahon ng sweldo ng kaniyang Ukranian coach na si Vitaliy Petrov.
Dagdag pa rito ang rekomendasyon ng PATAFA na reklamong ihahain laban kay Petrov dahil sa paglabag sa Integrity Code of Conduct at pagtanggal na rin sa kaniya bilang national team coach gayundin ang pagdedeklara sa longtime adviser ni Obiena na si James Lafferty na “persona non grata”.
Sa isang pahayag naman ng PSC, kanilang sinabi na nais pa rin nilang maayos ang gusot sa pagitan ng PATAFA at ni Obiena.