Nilinaw ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na hindi nila tinanggal sa listahan ng national team ang pole vaulter na si EJ Obiena.
Kinumpirma ito ni PATAFA President Philip Juico sa interview ng RMN Manila kaugnay sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng PATAFA sa paggastos ng training funds ng kampo ni Obiena patrikular sa bayad ng coach nitong si Vitaly Petrov.
Ayon kay Juico, wala naman talaga sa bagong listahan ng 48 PATAFA athletes si Obiena dahil hindi naman talaga siya kabilang dito.
Dagdag pa nito, ginusto ito ni Obiena kaya sa ngayon ay free agent na ang atleta kung saan hindi na siya sakop ng hurisdiksyon ng PATAFA.
Sa ngayon, hinihintay nila ang tugon ng Commission on Audit (COA) upang matuldukan na ang isyu.
Samantala, Ikinatuwa naman ni Juico ang muling pagkilala ng World Athletics sa PATAFA bilang sole governing body of athletics sa bansa.