Iginiit ni Senator Joel Villanueva sa pamahalaan ang pagtatalaga ng disaster czar na syang mamamahala sa ginagawang relief efforts para sa mga biktima ng pagsabog ng bulkang Taal.
Mungkahi ito ni Villanueva sa harap ng mga reklamo na hindi patas ang pamamahagi ng tulong sa libu-libong mga biktima ng kalamidad sa Batangas na namamalagi sa mga evacuation centers.
Paliwanag pa ni Villanueva, sa pagkakaroon ng disaster czar ay matutugunan ang mga kakulangan sa mga evacuation centers tulad ng kawalan ng palikuran at masusubaybayan din ang pagpapanatili ng kalinisan.
Bukod dito ay pinamamamdali din ni Villanueva sa labor department ang pagpapatupad ng emergency employment programs sa mga biktima ng kalamidad.
Ayon kay Villanueva, sa ilalim ng 2020 national budget, ay may 6.8-billion pesos na pondong nakalaan para sa internship program ng gobyerno at sa Tulong Pangkabuhayan para sa ating Disadvantaged/Displaced Workers o (TUPAD).
Bukod dito ay inihayag ni Villanueva na may mahigit 12-bilyong pisong pondo ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para gamitin sa pagbibigay ng scholarships sa mga bakwit.