Putol ang katawan at tila naagnas na ang ulo ng isang tarsier nang matagpuan ng isang residente sa Davao City, noong Enero 12, Linggo ng umaga.
Ayon sa ulat, tanging ulo, kamay, at paa na lamang ang naiwan sa tarsier nang makita sa puno ng marang sa likod-bahay ni Edmon Remonde sa Sitio Coog 1, Barangay Mandug na tinangay umano ng kanilang alagang pusa.
Kwento niya, naghahanap raw siya noon ng inahing manok nang makita ang kaawa-awang endangered specie.
Agad namang ipinagbigay-alam ni Remonde sa awtoridad ang nangyari at kinumpirma ng Department of Environment and Natural Resources (DENR XI) na mayroon ngang mga tarsier sa lugar.
Sa ngayon ay magsasagawa raw ng information education campaign sa mga residente ng lugar.
Layunin nito na maipreserba ang naturang uri ng hayop na kilala bilang pinakamaliit na unggoy sa buong mundo at itinuturing na isa sa tourist attraction sa probinsya ng Bohol.