Patay sa bagyong Usman, pinangangambahang umakyat sa 75

Pinangangambahan ngayon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umakyat na sa 75 ang patay dahil sa pananalasa ng bagyong Usman.

Ang nasabing bilang ay kasalukuyan pang bineberipika ng NDRRMC sa Regions 4B, 5 at 8 na lubhang sinalanta ng bagyong Usman.

Inaalam din ng ahensya ang 16 pa sa mga taong naitalang nawawala hanggang sa mga oras na ito matapos ang pananalasa ng kalamidad.


May naitala ding 12 katao na sugatan dahil sa bagyo.

Sa 457 barangays sa Regions 4A, 4B, 5 at 8, aabot sa 45,348 na pamilya o 191,597 na indibidwal ang apektado ng bagyo.

Nasa 6,637 na pamilya naman ang nananatili pa rin sa 179 evacuation centers habang 12,132 na pamilya naman ang nasa labas ng evacuation centers.

Aabot naman sa P242 million ang halaga ng pinsala sa agrikultura ng bagyong Usman sa Region 5.

Dagdag pa dito ang 69 na kabahayan na naitalang damaged sa Regions 4A, 4B at 8 habang 92 road sections at tatlong tulay naman ang apektado at naitalang nasira sa Regions 4B, 6 at 8.

Facebook Comments