Dagupan City – Katatapos lamang ng unang mataas na pag-baha sa lungsod noong nakaraang linggo na tumagal ng halos 9 na araw ngunit heto na naman at lubog muli ang Dagupan sa mataas na tubig baha dulot ng matinding ulan at sabayan pa ng high tide.
Pahirapan sa ilang parte ng lungsod ang masasakyan dahil narin di kayang dumaan ng mga light vehicles sa mga parteng mataas talaga ang baha. Kaya naman sa panahon ngayon kanya kanyang diskarte makapasok lamang sa trabaho at makapunta sa mga destinasyon sa Dagupan.
Patok ngayon ang trike na sakyan sa mga pangunahing kalsada ng Dagupan na kadalasang nakikita’t nasasakyan lang sa ilang barangay ng lungsod. Nasa P30 hanggang P50 pesos ang singil ng ilang mga nagta-trike depende sa layo at depende din sayo kung magbibigay ka pa ng tip dahil kadalasang dalawang tao ang nag-ooperate dito, isang driver at taga tulak.
Nariyan ding patok ngayong sakyan ang kuliglig at tractor na naghahatid sa mas malalayong lugar tulad ng Brgy Lucao at Calasiao, nag-uumpisa sa P20 ang pamasahe sa mga ganito.
Mabagal ang pagbaba ng tubig baha kaya naman inaasahang magtatagal na naman ito ng isang linggo. Suspendido ang klase sa lahat ng antas sa buong lungsod hanggang bukas August 15 na inaasahang mapapalawig pa sakaling di parin bumuti ang panahon at mataas parin ang tubig baha.