Desidido ang Philippine Animal Welfare Society o PAWS na sampahan ng kaso ang security guard ng isang mall na kuhang naghagis ng isang tuta sa isang footbridge.
Sa isang pahayag, sinabi ng PAWS na lubos nitong kinokondena ang isa namang kaso ng animal cruelty.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na aniya ito sa mga witness para sa kanilang affidavits na makatutulong sa kanilang ihahaing reklamo.
Malinaw kase aniya na paglabag ito sa Animal Welfare Act lalo pa at nasawi ang tutang inihagis ng sekyu.
Dagdag pa ng PAWS, nakatanggap ito ng higit sa 190 emails mula sa concerned citizens patungkol sa pangyayari.
Hiling nito ang mabilis na paggulong ng imbestigasyon sa insidente at pagpapanagot sa may sala.
Una na ring tiniyak ng security agency na RJC Corporate Security Services Inc., na may hawak ng sekyu ang masusing imbestigasyon sa insidente.
Dinismiss na rin ang gwardya sa SM North EDSA at pinatawan ng ban sa pagtatrabaho sa anumang SM mall.
Maging ang Quezon City government ay kinondena na rin ang insidente at sinabing nagsasagawa na ng ‘full investigation’ sa kaso.