Cauayan City, Isabela- Iginiit ni Sangguniang Panlalawigan member Atty. Randy Arreola ng Isabela na walang kinalaman ang ‘payola’ sa pagpapatigil operasyon sa Sahara Games and Amusement Philippines Corporation sa Lalawigan.
Sa panayam ng 98.5 i-FM Cauayan kay Atty. Randy Arreola, isa sa mga pumirma sa inilabas na resolution no. 2020-45-1 ni Isabela Governor Rodito Albano III na huwag nang tanggapin sa lugar ang ilang opisyal ng PCSO at huwag nang tangkilikin ang mga nangangasiwa ng Small Town Lottery (STL) sa Isabela.
Ayon kay Atty. Arreola, ang pagpapatigil sa operasyon ng STL sa probinsya ay dahil sa ilang mga reklamo na natanggap ng pamahalaang panlalawigan mula sa empleyado kaugnay sa di tamang pagbabayad sa kanila at di tamang pagbibigay ng insentibo.
Ito’y dahil na rin sa pagbalewala di umano ng korporasyon sa ipinatutupad na mga protocol sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) kung saan ilan umano sa mga kobrador ay nagpapatuloy pa rin sa pag-iikot sa mga lugar upang magpataya bagay na ipinagbabawal sa guidelines ng GCQ.
Ilan din kasi aniya sa imbitasyon ng Sangguniang Panlalawigan sa ilang mga opisyal ng Sahara Games ay kanilang binabalewala para sana sa kanilang pagpapaliwanag kaugnay sa kanilang pag-ooperate at ipinupukol na reklamo laban sa kanila.
Ayon pa kay Atty. Arreola, dapat na makialam at makipagtulungan ang PCSO Isabela sa isyu ng Sahara Games and Amusement Philippines Corporation dahil kontrol at agent naman aniya nito ang nasabing korporasyon para masolusyunan ang mga reklamo.