
Dumating na sa New York si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos para sa working visit sa Estados Unidos.
Lumapag ang sinasakyang eroplano ng pangulo sa Newark Liberty International Airport sa New Jersey bandang 2:56 ng hapon (US time).
Kasama sa delegasyon sina Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro, Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda, at Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez Jr.
Nasa New York ang pangulo para sa mga aktibidad sa United Nations (UN), kaugnay ng kampanya ng Pilipinas na maging non-permanent member ng UN Security Council para sa 2027 hanggang 2028.
Mahalaga ang posisyong ito dahil nagbibigay ito ng boses at boto sa Pilipinas sa mga mahahalagang desisyon ng UN tungkol sa kapayapaan, seguridad, at mga krisis sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Sa ikalawang araw ng kanyang working visit, pupunta si Pangulong Marcos sa UN Headquarters kung saan dadalo siya sa Commission on the Status of Women at magbibigay ng maikling pahayag para sa Pilipinas.
May nakatakda rin siyang mga pulong sa ilang negosyante at business leaders upang palakasin ang ugnayang pang-ekonomiya at hikayatin ang pamumuhunan sa bansa.
Sa susunod na araw, muli siyang babalik sa UN para magtalumpati sa isang special plenary meeting bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng Pilipinas para sa puwesto sa UN Security Council.










