Dapat na panindigan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., o PBBM ang pagiging kalihim niya ng Department of Agriculture (DA).
Ito ang panawagan ng grupong IBON Foundation sa gitna ng mga problemang kinahaharap ngayon sa sektor ng agrikultura gaya ng nagbabadyang krisis sa pagkain at mahal na presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Executive Director Sonny Africa, dapat na doblehin ang budget ng DA sa susunod na taon upang makapaglaan ng sapat na pondo para sa tinatarget na ‘food sufficiency’ ng administrasyon.
Kung mangyayari ito, maniniwala na umano sila na sineseryosong prayoridad ni Marcos ang pagbibigay ng murang pagkain sa bawat Pilipino.
Maliban dito, iminungkahi rin ng grupo bilang mga short-term solutions ang pagbibigay ng mas malaking ayuda sa mahihirap at tulungan ang mga magsasaka sa kanilang transport cost.
“Ang pinaka-basic ngayon, ayuda talaga at hindi lang sapat yung transport subsidies. Ang dami-daming Pilipinong naghihirap. Magbigay ng ayuda na lampas dun sa P500 kada buwan,” ani Africa sa panayam ng RMN Manila.
Dagdag pa ni Africa, napapanahon na rin upang kontrolin ng gobyerno ang presyo ng mga bilihin.
“[Tayo] na actually ang mag-kontrol ng presyo ng pagkain. Yan ang ginagawa halimbawa sa Vietnam, sa Thailand at sa Malaysia. Yung Vietnam lalo na, isa yan sa pinakamababang inflation rate sa rehiyon dahil unang-una, may price control sa pagkain, ikalawa, matagal nang nagbubuhos ng pera ang Vietnam sa kanilang agrikultura na hindi ginagawa sa Pilipinas,” dagdag niya.