PBBM, hindi na magbabago ang desisyon na hindi kilalanin ang hurisdiksyon ng ICC sa bansa

Nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi na magbabago ang kaniyang posisyon na hindi kilalanin ang International Criminal Court (ICC) sa bansa.

Ito ay kasunod ng lumabas na resulta sa survey ng OCTA Research group na 55% ng mga Pilipino ay sang-ayon na makipagtulungan ang Pilipinas ng ICC sa war on drugs ng dating administrasyong Duterte.

Sinabi ni Pangulong Marcos na kahit pa may makuhang mga bagong ebidensya ang ICC, ay hindi pa rin papayag ang gobyerno na manghimasok sila sa mga panloob na isyu ng bansa.


Hindi aniya ito usapin ng ebidensya kundi usapin kung may hurisdiksiyon ba ang ICC sa Pilipinas.

Giit ng pangulo, ang soberenya ng bansa ang magiging bala ng gobyerno sakaling magpilit ang ICC na habulin at litisin ang mga akusado sa drug war.

Samantala, sinabi naman ni Pangulong Marcos na malayang makapasok sa bansa ang mga kinatawan ng ICC hangga’t wala silang ginagawang ilegal na aksyon.

Facebook Comments