
Humingi ng suporta si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga miyembrong bansa ng United Nations (UN) para sa kandidatura ng Pilipinas sa non-permanent seat ng UN Security Council para sa 2027 hanggang 2028.
Sa talumpati ng pangulo sa UN General Assembly, iginiit nito na handa ang Pilipinas na tumulong sa pagpapakalma ng mga hidwaan sa mundo at maging boses ng balanse at kapayapaan sa gitna ng lumalalang tensyon sa iba’t ibang rehiyon.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na matagal nang pinapatunayan ng Pilipinas na isa itong mapagkakatiwalaang katuwang ng international community at nananatiling tapat na tagapagtaguyod ng kapayapaan.
Ayon sa pangulo, inihain ng bansa ang kandidatura nito nang may malinaw na pag-unawa na ang pagiging kasapi ng UN Security Council ay hindi karapatan ng anumang bansa kundi isang pribilehiyong pinaghihirapan.
Nakatakdang idaos sa Hunyo 3, 2026 ang halalan kung saan boboto ang 193 miyembrong bansa ng UN para sa mga bagong non-permanent member ng Security Council.










