Friday, March 6, 2026

PBBM, igigiit ang kapayapaan sa Middle East sa kaniyang muling pagbisita sa Amerika

COURTESY: Presidential Communications Office

Mananawagan ng kapayapaan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng sitwasyon sa Middle East sa pagdalo nito sa United Nations sa Amerika sa susunod na linggo.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Assistant Secretary Angelica Escalona, ang United Nations ang tamang lugar upang ihayag ng Pilipinas ang panawagan para sa kapayapaan sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon.

Layunin din aniya ng pangulo na igiit ang kaligtasan ng mga sibilyan, lalo na ang mga Pilipino sa apektadong lugar.

Gayunman, sinabi ni Escalona na walang nakatakdang pulong si Pangulong Marcos kay US President Donald Trump.

Hindi rin tiyak kung tatalakayin ng pangulo ang isyu sa South China Sea at iba pang regional security concerns, ngunit inaasahang ilalatag nito ang mga usaping pandaigdig na maaaring makaapekto sa mga Pilipino.

Wala rin sa itinerary ng pangulo ang pakikipagkita sa Filipino community sa New York.

Facebook Comments