Umaasa si Senator Risa Hontiveros na magsasalita ang pangulo patungkol sa karahasang nangyari sa broadcaster na si Percy Lapid.
Mababatid na may unang pahayag si Pangulong Bongbong Marcos kung saan sinabi nito na hindi siya kumbinsido na “natural causes” ang ikinamatay ng inmate sa Bilibid na itinuturong “middleman” sa pagpaslang sa media man.
Ayon kay Hontiveros, na kay Pangulong Marcos na kung magsasalita ito ng personal tungkol sa kaso.
Pero kung magsasalita man ang presidente ay umaasa ang senadora na ang sasabihin ng pangulo ay tungkol sa mga karahasan sa mga mamamayan at sa mga constituent gayundin ang tungkol sa kalayaan sa pamamahayag na siyang bahagya umanong pinatay kasabay ng pagpaslang kay Lapid.
Iginiit pa ni Hontiveros na anumang sabihin ng pangulo ay may bigat at anumang pagtingin, rekomendasyon o utos na ibibigay ng presidente ay ituturing na opisyal at agad na susundin.
Hiniling din ni Hontiveros kay Pangulong Marcos na ibigay ang lahat ng proteksyon sa pamilya Mabasa na nakararanas ngayon ng matinding harassment mula sa mga ‘anonymous’ na caller at texters.
Malaki aniyang tulong na maiparamdam sa pamilya na sila ay protektado ng pamahalaan habang patuloy na umuusad ang imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Lapid.