PBBM, mahusay ang naging trabaho sa unang 100 araw

Para kay Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, mahusay ang mga ginawa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa unang 100 araw nito para unti-unting matupad ang pangako nito noong kampanya na ‘Bangon Bayan Muli’ o pag-angat sa buhay ng mga Pilipino.

Pangunahing tinukoy ni Villafuerte ang inisyatibo ni Pangulong Marcos para makahikayat ng mga lokal at dayuhang mamumuhunan sa bansa, paglikha ng trabaho, at pag-iibayo sa imprastraktura na pawang kailangan para makabangon tayo mula sa pandemya.

Magaling din para kay Villafuerte ang ginawang pagpili ni Pangulong Marcos sa mga miyembro ng kaniyang gabinete lalo na sa economic team na magiging katuwang niya sa pagpapalakas sa ating ekonomiya mula sa pandemya.


Pinuri rin ni Villafuerte ang ginagawa nitong pamumuno sa Department of Agriculture (DA) at pagprayoridad sa farm modernization at food security.

Suportado rin ni Villafuerte ang mga polisiya ni Pangulong Marcos tulad ng boluntaryong pagsusuot ng face masks sa mga open areas at pagluluwag sa mga COVID-19 protocols na tiyak makakatulong sa pagpapasigla ng tourism industry na malaking aspeto sa pagsulong ng ekonomiya.

Tiwala rin si Villafuerta na magtatagumpay ang “Build Better More” infrastructure agenda nito gayundin ang “Agenda for Prosperity” na target ng 2023 national budget.

Hinangaan din ni Villafuerte ang pakikipag-ugnayan ni Pangulong Marcos sa ibang bansa at posisyon na ang Pilipinas ang mangunguna sa pagtugon sa mga hamon sa rehiyon ng Asya tulad ng isyu sa West Philippine Sea.

Facebook Comments