Masayang ibinalita ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, napakaraming accomplishments o nakamit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa kanyang pagbisita sa Estados Unidos kung saan nagkaroon siya ng pulong kay US Pres. Joe Biden.
Pangunahing binanggit ni Romualdez ang mga pamumuhunan o investment pledges, umaabot sa P1.3 billion dollars na inaasahang lilikha ng 6,700 mga bagong trabaho para sa mamamayang Pilipino.
Bukod pa rito, ang nakatakdang paghire ng US shipping companies sa 75,000 Filipino seafarers.
Diin pa ni Romualdez, natugunan din ang problema sa external security ng bansa dahil nangako ang Amerika na papalakasin ang ating depensang pangmilitar.
Aniya, ang US visit ni PBBM ay nagpatibay sa pagtutulungan ng US at Pilipinas para matugunan ang mga hamon sa larangan ng food, energy, health security, digital connectivity, climate change at pandemya.
Dagdag pa niya, pati ang mga miyembro ng US Congress na kanyang nakapulong ay nagpahayag din ng suporta sa Pilipinas.
Sa huli, sinabi ni Romualdez ang mabungang US visit ni PBBM ay resulta ng walang pagod, sinsero at matinding intensyon nito na mapag-ibayo ang relasyon sa pagitan ng US at Pilipinas para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino at pagsigla ng ating ekonomiya.