Nagpaabot ng kaniyang pakikiramay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pagpanaw ni Her Majesty, Queen Elizabeth II.
Ang pangulo ay personal na tumungo sa residence ng British Ambassador to the Philippines Laure Beaufils (Lawr Bofis) sa Forbes Park, Makati City para lumagda sa condolence book.
Kasama ng pangulo sa pagpunta sa residence ng British Ambassador sina First Lady Loiuse Liza Araneta, Congressman Sandro Marcos, Joseph Simon Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Batay sa isang larawan mula sa Twitter account ni Ambassador Beaufils, makikitang nakamasid ang ambassador at sina First Lady Liza Marcos at Presidential Son Joseph Simon Marcos habang pumipirma sa condolence book ang pangulo.
Nagpasalamat naman si Ambassador Beufils kay Pangulong Marcos, dahil sa pagiging una ng punong ehekutibo na pumirma sa condolence book sa ambassador’s residence para kay Queen Elizabeth.
Samantala, binuksan naman sa publiko ang book of condolences para kay Queen Elizabeth sa labas ng British Embassy sa Taguig.
Dito ay pwedeng mag-alay ng bulaklak at kanilang mensahe ang publiko para sa paghahatid ng kanilang pakikiramay sa reyna ng United Kingdom.
Makikita sa labas ng embahada ang isang mesa kung saan nakapatong ang isang picture frame ni Queen Elizabeth, katabi ang isang vase ng puting mga bulaklak at ang book of condolences kung saan pwedeng magsulat ng mensahe ang publiko.
Nasa tabi naman ng mesa sa kaliwang bahagi ang flag o bandila ng United Kingdom.