
Ginawa na ng pamahalaan ang lahat ng hakbang para mapababa ang presyo ng bigas.
Ito ang iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa gitna ng inaasahang pagdedeklara ng food security emergency on rice sa bansa.
Pero ayon sa pangulo, kahit sinikap nilang mapababa ang halaga ng inputs, mataas pa rin ang bentahan ng bigas sa mga pamilihan.
Hindi aniya nagtutugma ang demand at supply curve hanggang sa kasalukuyan, kahit pa ibinaba na ang lahat ng input o factor na nakakaapekto sa presyo ng bigas.
Ito aniya ang dahilan kung bakit kailangan nang pwersahin ang pagbababa ng presyo ng bigas, at siguruhin na tama ang galaw ng merkado.
Kaugnay nito, titiyakin aniya nilang maayos ang takbo ng market at walang nangyayaring “friction cost” o mga patong na singil na hindi naman kina-kailangan.
Dagdag pa ng pangulo, may mga iligal na kalakaran sa bigas na iniimbestigahan na ng Kongreso.
Sa kasalukuyan aniya ay hinihintay na lamang nila na matanggap ng Department of Agriculture ang opisyal na rekomendasyon ng National Price Coordinating Council para sa food security emergency on rice, na magbibigay-daan para mailabas at maibenta ng National Food Authority ang kanilang buffer stock ng bigas.