PBBM, pinaghahanda ang bansa sa posibleng pagbabalik ng Bagyong Kristine

Bagama’t nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR), muling pinaghahanda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bansa para sa posibleng pagbabalik ng severe tropical storm Kristine, gayundin ang posibleng pagpasok ng bagong sama ng panahon.

Ito’y kasunod ng ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa pangulo na may tiyansang bumalik ang Bagyong Kristine pero sa pagkakataong ito ay hindi naman anila ito gaanong didikit sa Western Luzon.

Gayunpaman, sinabi ng pangulo na dapat pa ring maghanda dahil malawak ang sakop ng bagyo at maaari pa rin itong magdulot ng pinsala kahit pa hindi ito mag-landfall.


Kailangan din aniyang tutukan ang binabantayang bagong sama ng panahon dahil kung aayusin ang mga sinira ng Bagyong Kristine, maaaring sirain lamang ito muli ng bagong bagyo.

Ngayong hapon ay nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Marcos sa lawak ng pinsalang idinulot ng Bagyong Kristine sa Metro Manila at ilang bahagi ng CALABARZON.

Unang dinaanan ng presidential chopper ng pangulo ang Pasig, partikular ang Pasig River, patungong Laurel, Lipa, Lemery, Nasugbu, at mga lugar na nakapalibot sa Taal.

Ininspeksyon din ng pangulo ang Noveleta, General Trias, Imus, at coastal areas sa Cavite.

Layunin ng higit isang oras na aerial inspection ng pangulo na matukoy ang lawak ng pinsala ng bagyo at kung anong angkop na tulong ang ibababa ng pamahalaan sa mga lugar na apektado.

Facebook Comments