Pinirmahan na ngayon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Executive Order na nagpapataw ng isang taong moratorium sa pagbabayad sa taunang amortisasyon at ng interes ng agrarian reform beneficiaries.
Ito ay para sa mga lupang agrikultural na ipinamahagi sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Sinabi ng pangulo, ang isang taong moratorium sa land amortization at interest payment ay makababawas sa pasanin ng mga benepisyaryo mula sa kanilang mga utang.
Magagamit aniya ng mga benepisyaryo ang pera sa pagpapaunlad ng kanilang mga sakahan.
Matatandaang sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) ay kasama sa nabanggit ng pangulo ang pagpapalaya sa agrarian reform beneficiaries mula sa kanilang mga utang.
Makikinabang dito ang 654,000 agrarian reform beneficiaries.
Itinaon ng pangulo ang pagtupad sa pangakong ito sa kanyang ika-65 na kaarawan ngayong araw.