
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang magaganap na pagtaas ng pasahe sa mga bus at ferry ngayong Semana Santa.
Sa panayam ng Bloomberg sinabi ng pangulo, nangako ang mga operator ng bus at ferry na hindi sila magtataas ng singil kahit may pagtaas sa presyo ng langis.
Layon aniya ng pamahalaan na maibsan ang bigat sa bulsa ng mga pasahero, lalo na ngayong inaasahang dadami ang uuwi sa mga probinsya para sa Mahal na Araw.
Dagdag pa ng pangulo, tiniyak din ng mga bus operator na hindi nila babawasan ang kanilang mga biyahe.
Samantala, patuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng subsidiya sa sektor ng transportasyon, na kabilang sa pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Aabot sa ₱2.5 bilyon ang ilalaan ng gobyerno sa mga susunod na araw para sa fuel subsidies.










