Tiniyak ni Pangulong Bongbong Marcos na nakalatag ang plano ng pamahalaan upang masigurong hindi gaanong maaapektuhan ng posibleng pagtama ng El Niño ang sektor ng agrikultura.
Sa dinaluhang event sa Muñoz, Nueva Ecija kahapon, sinabi ng pangulo sa mga magsasaka na gumagawa ng maraming plano ang gobyerno upang hindi mabawasan ang patubig.
Humahanap na rin aniya ng paraan ang gobyerno upang hindi maging dependent ang bansa sa underground water at isa sa nakikitang solusyon ay ang pagkolekta ng tubig-ulan.
Pinayuhan din niya ang mga local government unit na magtayo ng kani-kanilang water supply system.
Samantala, binanggit din ng pangulo na lumagda siya ng isang Executive Order para sa pagbuo ng Office of Water Management na layong pangasiwaan ang water resources ng bansa at tugunan ang kasalukuyang environmental challenges.
Wala pang inilalabas na kopya ng nasabing EO ang palasyo.
Matatandaang una nang ipinanawagan ni Pangulong Marcos ang pagbuo ng team na tututok sa pagbabawas ng posibleng epekto ng El Niño.