Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na may sapat na imbak na bigas ang bansa kahit pa pagkatapos ng El Niño phenomenon sa susunod na taon.
Ginawa ng pangulo ang pagtiyak matapos makipagpulong sa mga industry players sa pangunguna ng Private Sector Advisory Council (PSAC) at Philippine Rice Stakeholders Movement o PRISM sa Malacañang.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang rice situation sa bansa ay manageable at stable sa harap na rin ng mga ulat na tumaas ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Sa pakikipagpulong ng pangulo sa PRISM, inilatag ng grupo ang kanilang rice supply outlook sa bansa hanggang sa katapusan ng 2023.
Inihayag naman ni Department of Agriculture Undersecretary Merceditas Sombillo na ang projected ending stock ngayong taon ay nasa 1.96 million metric tons (MMT) na sapat sa loob ng 52 araw.
Una nang nagpatawag ng meeting ang presidente para alamin sa mga stakeholders ang kalagayan ng rice industry at masiguro na rin na sapat ang suplay ng bigas sa bansa.