PBBM, umaasang irerekonsidera ng CA ang TRO sa power rate petition ng San Miguel Corp.

Umaasa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na irerekonsidera ng Court of Appeals (CA) ang hakbang nito na pansamantalang suspendihin ang power supply agreement (PSA) sa pagitan ng San Miguel Corp. subsidiary na South Premier Power Corp. (SPPC) at Manila Electric Company (Meralco).

Ayon kay Office of the Press Secretary officer-in-charge Cheloy Garafil, ipinunto ng pangulo na labag sa kasunduan ang inilabas na temporary restraining order ng CA dahil magdudulot ito ng “extremely deleterious effect” o pagtaas ng presyo ng kuryente.

November 24 nang magpalabas ng TRO ang CA 14th Division kasunod ng petisyong inihain ng San Miguel Corp. subsidiary.


Nag-ugat ang petisyon sa naging desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) noong September 9 na ibasura ang hiling ng SPPC, San Miguel Energy Corp at Meralco na taasan ang generation charge.

Bunsod ito ng pagtaas ng presyo ng coal at natural gas materials na ginagamit sa pagpo-produce ng kuryente.

Katwiran naman ng ERC, ang napagkasunduang presyo sa PSA ay “fixed by nature” at ang mga dahilang binanggit ng SPPC at Meralco upang itaas ang generation charge ay hindi kabilang sa mga exceptions na magpapahintulot ng price adjustment.

Samantala, nababahala rin si ERC chairperson at CEO Monalisa Dimalanta sa posibleng magiung epekto ng TRO.

Aniya, aabot sa 7.5 milyong rehistradong customer ng Meralco sa NCR at ilang lugar sa Region III at IV ang maaaring maapektuhan ng mas mataas na singil sa kuryente dahil sa kawalan ng kahandaan sa posibleng terminasyon ng kasunduan.

Facebook Comments