Bilang pag-iingat sa posibleng epekto ng Bagyong Rolly ay kaisa ang Philippine Coast Guard o PCG sa ligtas at mabilis na evacuation sa mga lugar na dadaanan nito.
Ayon kay PCG Spokesman Commodore Armand Balilo, humigit-kumulang 128 na pamilya na nakatira sa Barangay Ipil at Barangay Iraya sa Buhi, Camarines Sur ang kanila nang inilikas.
Ayon sa pinakahuling update mula sa PAGASA, nakataas ang Storm Signal No. 2 sa nasabing probinsya.
Una nang ipinag-utos ni PCG Commandant Admiral George Ursbia Jr. ang pagtataas sa alerto ng distrtict, stations at sub-stations nito sa mga lugar na tatamaan ng bagyo.
Kinabibilangan ito ng Coast Guard Station sa Bicol, Eastern Visayas, Southern Tagalog, at Northern Luzon na pawang mahigpit ding nakikipag-ugnayan sa mga Local Government Unit para sa agarang aksyon kaugnay sa pananalasa ng bagyo.
Nakahanda na ring rumesponde kung kakailanganin ang PCG expert divers, rescue swimmer, paramedics at K-9 units.