Tiniyak ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang kahandaan sa panahon ng tag-ulan.
Kasunod ito ng inilunsad na “Oplan Kahandaan” kung saan bumili ang PCG ng mga gamit na nagkakahalaga ng 31 million pesos para sa kanilang rescue mission.
Ayon kay Admiral Elson Hermogino, commandant ng PCG, kabilang sa mga kagamitang ito ang tig 20 aluminum hull boat, jetski at rigid hull inflatable boat na may tig-dalawang makina at 60 multi-purpose van.
Sinabi ni Hermogino na mas epektibo at mas mabilis na silang makakaresponde sa mga apektado ng flashfloods mga pagbaha.
Nagsagawa na rin aniya sila ng mga pagsasanay sa pagpapatakbo ng mga bagong kagamitan sa pangunguna ng special operations force ng coast guard.
Tiniyak rin ni Hermogino na mayroon pang darating na mga bagong barko o rescue vessel na magmumula sa France.