PCG, patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon sa nangyaring banggaan ng Hong Kong-flagged vessel at bangka ng mangingisdang Pinoy; Search and rescue operation, magpapatuloy hanggang bukas

Sisilipin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lahat ng anggulo sa nangyaring banggaan ng Hong Kong flagged vessel na MV Vienna Wood at bangka ng mga mangingisdang Pinoy na FV Liberty 5 sa karagatang sakop ng Occidental Mindoro.

Sa virtual presser ng PCG, sinabi ni Commandant Vice Admiral George Ursabia na sa inisyal na imbestigasyon, posibleng poor visibility at poor sea condition ang isa sa mga dahilan ng insidente.

Pero, iimbestigahan din nila ang iba pang aspeto tulad ng navigational set-up ng barko, gayundin kung kumpleto ang navigational light ng bangka ng mga mangingisda.


Aalamin din nila kung anong hakbang ang ginawa ng mga naka-duty na crew ng MV Vienna Wood matapos ang banggaan kung saan wala naman problema ang investigating team ng PCG dahil nakikipag-ugnayan naman ng maayos ang kapitan at ibang mga crew nito.

Mananatili pa rin sa Batangas Port ang MV Vienna Woods hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon upang malaman ang criminal at civil liabilities nito.

Inihayag pa ng opisyal na tatlong oras matapos ang insidente ay doon lang nakatanggap ang PCG Command Center ng distressed call via email mula sa MV Vienna Woods kaya’t sa tingin niya ay naging kritikal ang lagay ng bangka ng mangingisda ng mga oras na iyon.

Dagdag pa ni Admiral Ursabia, magpapatuloy pa rin ang search and rescue operation hanggang bukas at pagsapit ng Huwebes ay dito na sila magsasagawa ng evaluation kung ipagpapatuloy pa ito.

Facebook Comments