PCO, itinangging shareholder ng isang joint venture si Acting Secretary Jay Ruiz

Pinabulaanan ng Presidential Communications Office (PCO) na shareholder sa joint venture ng IBC 13 at Digital8 Inc. si Acting Secretary Jay Ruiz.

Ayon sa PCO, hindi totoo at misleading ang naturang ulat dahil authorized representative lamang ng Digital8 sa joint venture agreement si Ruiz dahil sa kaniyang posisyon bilang pinuno noon ng sales and marketing.

Nakuha anila ng joint venture ang kontrata sa pamamagitan ng competitive bidding noong October 2024, alinsunod sa lahat ng pantuntunan, regulasyon, at batas ng public bidding.

Nagbitiw rin si Ruiz sa kumpanya noong January 15, 2025 at pinalitan bilang kinatawan sa joint venture sa pamamagitan ng isang board resolution noong January 17, 2025, higit isang buwan bago siya naitalaga bilang kalihim ng PCO.

Iginiit ng PCO, na walang conflict of interest sa kasong ito dahil sa ilalim ng RA 6713, lulutang lamang ang conflict of interest kung ang isang public official ay miyembro ng board, stockholder, o may malaking business interes na makakaapekto sa kaniyang official duty.

Facebook Comments