
Ipinaalala ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera ang nalalapit na deadline sa March 7 ng pagpaparehistro para sa Local Absentee Voting na gaganapin sa April 28, 29, at 30.
Ang paalala ni Herrera ay tulong sa paghikayat ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga kwalipikado para sa Local Absentee Voting na magparehistro na.
Binanggit ni Herrera na kwalipikadong lumahok sa Local Absentee Voting ang mga naka-duty o may trabaho at hindi makaboboto sa araw mismo ng eleksyon sa May 12, 2025.
Halimbawa nito ay ang mga government worker at mga professional tulad ng mga guro, law enforcer, health care frontliner at miyembro ng media.
Ayon kay Herrera, malaking tulong ito lalo na sa mga kwalipikadong senior citizen at Persons with Disability (PWD) ang Local Absentee Voting para hindi na sila mahirapan sa mahabang pagpila sa polling precinct kasabay ng mainit na panahon.