Dating Executive Secretary Oscar Orbos, itinalaga bilang bagong pinuno ng PTV 4

Mauupo bilang bagong pinuno ng People’s Television Network o PTV 4 si dating Executive Secretary Oscar Orbos kapalit ni Toby Nebrida.

Ito ay kinumpirma ni Presidential Communications Acting Secretary Jay Ruiz.

Si Nebrida ay itinalaga bilang Acting General Manager ng PTV 4 noong June 2024, pero dahil may pagbabago sa liderato ng Presidential Communications Office (PCO) ay kasama ito sa pinagsumite ng courtesy resignation ni Executice Secretary Lucas Bersamin.


Ayon kay Ruiz, pumayag si Orbos na maging Officer-in-Charge ng PTV 4 pero hindi aniya ito magtatagal dahil sa kaniyang edad at mas nais na manatili bilang chairman ng network.

Si Orbos ay una nang itinalaga bilang acting chairperson at member ng PTV 4 Board of Directors.

Nagsilbi din itong Executive Secretary sa panahon ni dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino at naging kalihim ng Department of Transportation and Communication (DOTC).

Sabi ni Ruiz, nagpasya silang ilagay pansamantala si Orbos para magkaroon ng pampakalma dahil mayroon aniyang mga empleyado na nagrereklamo.

Gayunpaman, hindi na idinetalye ng kalihim ang dahilan ng pag-aalboroto ng mga kawani ng state run TV network.

Facebook Comments